Delivered before graduating students of the University of the Philippines College of Arts and Letters, 21 April 2007, at the UP Hardin ng mga Diwata, Diliman, Quezon City
Kapuwa kong Pambansang Alagad ng Sining at Dekano Virgilio Almario, Kawaksing Dekano Marilyn Canta, Kawaksing Dekano Jose Wendell Capili, Kawaksing Dekano Regina Gochuico, Kalihim ng Kolehiyo Dr. Teodoro Maranan, kaguruan ng kolehiyo, mga magulang, mga panauhin, at mga magsisipagtapos, magandang hapon sa inyong lahat.
Anong ginagawa ng estudyante sa eskwelahan? Pupunta ng klase. Tapos? Pupunta sa susunod na klase. Tapos? Magtatanghalian. Tapos? Pupunta ulit sa isa pang klase. Tapos? Pupunta sa huling klase. Tapos? Tapos, araw ng pagtatapos.
Graduation. Araw ng pagtatapos. Sino ba ang nagtatapos? Kayo. Ano ba ang natatapos? Kayo rin. Tapos ang maliligayang araw n’yo. Dapat araw ng pagsasaya ang araw na ito, at sigurado akong kahit anong mangyari, kahit ano pa ang sabihin ko ngayon, walang magpapalungkot sa inyo. Kaya naman naghanda ako ng listahan: ang sampung dahilan kung bakit bad trip magtapos. Pagkatapos kong magsalita, tingnan lang natin kung di kayo mag-unahang mag-enrol ulit.
Unang dahilan, pag tapos ka na, wala nang baon. Pakapalan na ng mukha kung manghihingi ka pa ng pera sa mga magulang mo. Dati-rati, nakakakupit ka pa, ’yung sobra sa hiningi mong tuition fee, halimbawa. Pag tapos ka na, ikaw na ang magbabayad para sa koryente, sa tubig, sa renta. Kung may mas bata kang kapatid, ikaw naman ang magbabayad ng tuition fee n’ya. Pag nagkataon, ikaw na ang hihingan ng baon ngayon.
Ikalawang dahilan, pag tapos ka na, wala nang kaibigan. O, sobra naman yata ’yon. Pero aminin na natin, kokonti ang panahong makakapagsama kayo ng barkada mo. Alangan namang sa iisang kompanya kayo lahat pumasok? Liliit na rin ang oportunidad na makakilala ka ng bagong kaibigan. Sa kolehiyo, bawat sem may bago kang nakikilala kasi may bago kang kaklase. Mas mabagal ang prosesong ito sa permanenteng trabaho. Isipin n’yo na lang, pag estudyante pinakanakakaasar ‘yung walang kuwentang group mate. Ang trabaho, para s’yang isang napakahabang group work.
Ikatlong dahilan kung bakit bad trip magtapos, wala nang panahong magbasa. Kayong mga taga-College of Arts and Letters, may bentahe kayo. Masarap mag-aral ng arte at letra. Isipin n’yo na lang ‘yung mga taga-Eng’g, sa tingin n’yo ba nag-eenjoy sila sa pag-aaral? May kakaibang sarap sa pagbasa ng tula , sa panunuri ng mga larawan, sa pagkatuto ng kung ano ang “Good Morning” sa Aleman, sa pagtatanghal sa teatro, sa pagtatalumpati. Pag tapos ka na, pag nagtatrabaho ka na, pagod na lagi ang utak mo sa pag-uwi. Telebisyon na lang ang pahinga.
Ikaapat na dahilan, wala nang bakasyon pag tag-init. At mas maikling bakasyon sa Pasko. Kawawa naman kayo.
Ikalimang dahilan, wala nang libreng gimik. Dito sa UP, maglakad-lakad ka lang may makikita ka nang kasiyahan. Pag fair, halimbawa, p’wede kang umupo lang sa benches ng Sunken Garden. Rinig mo na ang musika. E pag tapos ka na, saan ka pupunta? Alangan namang mag-camp out ka sa labas ng Araneta Center?
Ikaanim na dahilan, hindi na p’wedeng umabsent ng anim na beses. Wala nang academic freedom kasi wala ka na sa akademya. Pag tapos ka na, pag nagtatrabaho ka na, umabsent ka ng higit sa tatlong beses, tingnan lang natin kung saan ka pupulutin.
Konektado ito sa ikapitong dahilan, pag tapos ka na, hindi ka na p’wedeng mag-drop. Pag mag-aaral ka pa, at power-tripper ‘yung guro, p’wede kang mag-drop at tapos ang problema. Pag masyadong mabigat ang academic load, p’wede kang mag-drop. Kunin mo na lang sa susunod na semestre ‘yung sabjek. Hindi ‘yan p’wede sa tunay na mundo. Hindi ka p’wedeng mag-drop ng trabaho. Pagkatapos, aaplayan mo na lang paglipas ng ilang buwan.
Ikawalong dahilan kung bakit bad trip magtapos. Pag tapos ka na, hindi ka na p’wedeng magtext sa klase. Pag nababato ka sa trabaho, walang ibang p’wedeng gawin kundi tumuloy sa pagkabato, sa pagtatrabaho. Sa klase magtetext ka para magset ng oras kung kailan kayo magkikita ng mga kaibigan mo. E pag tapos ka na, di ba nga wala nang kaibigan?
Ikasiyam na dahilan, hindi na p’wedeng mangopya. Hindi na p’wedeng ipaxerox ang notebook ng katabi mo. Hindi na p’wedeng sumulyap-sulyap sa papel ng kaibigan mo pag exam. Kasi, wala nang exam. O, araw-araw exam.
Pag tapos ka na, tapos ka na. Ito ang ikasampung dahilan kung bakit bad trip magtapos: hindi na p’wedeng bumalik. Hindi ka na p’wedeng bumalik. Tapos na ang mga araw ng baon, kaibigan, pagbabasa, bakasyon, libreng gimik, pag-aabsent, pagda-drop, pagtetext, pangongopya. Tapos ka na e. Tapos na. Oras na para magsimula.
Thanks to Prof. Wendell Capili for the transcript and the photo.
- Na kinopya ko naman mula sa blog ni Haydee sa http://haydeebellen.multiply.com/
***
I'm affected by the graduation buzz...
No comments:
Post a Comment